Monday, February 7, 2011

Tulang di Pambalentayms

Paborito kong manunula sa wikang Filipino ay si Pete Lacaba.  Ang mga tula nya, simple, may sense of humor at minsan palaban. Eto ang sample ng kanyang dalawang tula:  Ganito ang pagkain ng paksiw na ayungin:



PAANO KUMAIN NG PAKSIW NA AYUNGIN

Bunutin ang palikpik
(para sa pusa iyan at ang natirang tinik),
At ilapat sa labi ang ulo at sipsipin
Ang mga matang dilat;

Pagkatapos ay mismong
Ang ulo ang sipsip
Hanggang sa maubos ang katas nito.
Saka mo

Umpisahan ang laman.
Unti-unti lang, dahan-dahan at
Simutin ng husto-kakaunti iyang ulam natin,
Mahirap humagilap ng ulam.

Damihan mo ang kanin,
Paglawain sa sabaw.
At huwag kang maangal.
Pyat man ang ayungin,

Pabigat din sa tiyan.


MGA TULANG KALYE

Ang laki sa layaw
karaniwa'y hubad-
mabuti pa si Tarzan
me konting bahag.



Si Donya Rosario,
mas lalong mabuti-
ang lahat ng terno,
tadtad ng brilyante.

Konting bato,
konting semento-
monumento!

Pero walang umento,
walang memento
si Karyong Kantero.

Jhon and Marsha
sa Amerika-
kaya ikaw, Jhon
magsumikap ka!

Juan at Maria
diyan sa pabrika-
magsumikap man,
aasenso ba?

Ako'y tutula,
makatang makata.
Ako,y sisinghot,
benteng kulangot.

Ito'y babala
ng dalitang-dalita-
ang wala kahit kusing
kakapit sa patalim.

One two
One two three
One two three four
let's go!

Yelo,
malamig-
pag natunaw,
tubig!

Tingting,
manipis-
pag binigklis,
walis!

Piyon,
patapon-
pag nagtipon,
unyon!

Mangmang
ay bulag-
pag namulat,
kidlat!

Dukha'y
tahimik-
pag nagalit,
lintik!

Bayang
busabos-
pag kumilos,
unos!

 

No comments: